Tanggapin mo na lang ang katotohanang...

... ikaw ay pangalawa lamang sa magkapatid, at kailanman ay hindi mo malalamangan ang iyong kuya sa lahat ng aspeto ng iyong buhay mag-anak...

... mahirap lang kayo at mayayaman ang iba mong mga kaibigan. Oo nga at nakakaraos kayo sa buhay, ngunit hindi mo mabigyan ng luho ang sarili mo, umaangal ka pa kapag hinihingi ng mga magulang mo ang iyong ambag sa bahay...

... hindi ikaw ang pinakamagaling - mapasa-high school, college, sa paper, sa public health, maging sa musika, hindi ikaw ang cream of the crop...

... hindi ka tunay na musikero. Kahit anong dalubhasa mo sa teyorya ng musika, ni minsan ay hindi ka naging magaling tumugtog ng kahit anong instrumento. Ni sa pag-awit ay hindi ka umasenso...

... tamad ka. Sabi nga ng mga amo mo noon, inefficient ka. Walang focus. Walang direksyon. Ni ang thesis mo hindi mo pa natatapos. Ngayon nga kung anu-ano pa ang ginagawa mo, alam mong marami kang dapat asikasuhin...

... nauubusan ka na ng kaibigan dahil sa anti-social propaganda mo. Sinasabi mo na hindi mo sila kailangan, pero alam mo na gabi-gabi mo silang iniisip. At ngayon, hindi ka mapakali kapag hindi ka na rin nila kinikibo...

... ni minsan ay hindi ka niya minahal, kahit ano pang pantasya ang ipasok mo sa utak mo na magiging kayo pa. Ni maging magkaibigan kayo ay malabo na rin mangyari iyon, kaya huwag ka nang talagang umasa...

... hindi mo siya kayang mahalin gaya nang inaasahan niyang pagmamahal na hangad niya mula sa iyo...

... talagang emotero ka, maarte, pikon, malambot, lalamya-lamya. Minsan pa, wala ka sa lugar kung umasta...

... hanggang diyan ka na lang talaga at hindi mo na mababago ang iyong sarili.

Pero tanggapin mo rin ang katotohanang...

... mas matalino ka sa kuya mo.
Mas marami kang alam. Kahit ipamana pa ng mga magulang mo ang buong kayaman nila sa kuya mo, mabubuhay ka.

... kahit mahirap ka, marunong ka sa buhay. Hindi ka banidoso. Matipid ka. Ikaw na yata ang pinakakuripot na nilalang sa daigdig, bilangin mo na lang sa mga ginagastos mo sa araw-araw. Marunong kang makitungo sa mga tao, sa kliyente na pinagkakabuhayan mo ngayon. At sa hinaharap, marami ka pang maaring mapagkakakitaan.

... hindi nga ikaw ang pinakamagaling sa kahit isang aspeto, pero magaling ka sa lahat ng aspeto. Magtanong ka sa paligid mo.

... kaya ka nga gumagasta nang malaking halaga sa iyong tuition fee sa pag-aaral ng musika dahil iyon ang gusto mong mangyari sa sarili mo. Gusto mong maging tunay na musikero. Kaya kung ano pa ang sabihin nila na sa siyensya ka na lang, huwag mo silang pansinin. Gumasta ka na nang malaki, panindigan mo na yan.

... nakakatrabaho ka pa rin kahit tamad ka. Hindi man ikaw ang pinaka-efficient na tao sa daigdig, may kahulugan naman ang iyong mga ginagawa. Magaganda ang mga output mo. At hindi ka plastik, hindi ka nagtratrabaho para ma-please ang ibang tao, mga amo mo, kundi para makatapos ng magandang proyekto. Inuuna mo ang kalidad. At may nagsasabi na ang mga matatalino ay tamad, kaya tama lang yan.

... natural ang mawalan ng kaibigan. Hindi mo kailangan ng masyadong maraming BFF's, sapat na ang kung anong meron ka ngayon. Hindi mo kailangan ng fans club. Ika nga sa core values ng SIC, Simplicity, social commitment... (makaka-relate ang mga taga-SIC hehe). At sa mga kaibigan mong nawala sa iyo at sinasabing papansin ka, pahabol, patunayan mong wala ka na talagang balak pang mapansin pa.

... pinili mong maging mapag-isa sapagkat alam mo ang kahihinatnan ng may kabiyak ka. Kaya ka loser sa pag-ibig ay dahil kinundisyon mo na ang iyong sarili na hindi ka pinanganak para doon. At magaling kang magkondisyon ng sarili. Kung maalala mo ay ginusto mo nga magpari, hindi ba?


...
emotero din ang mga tao sa paligid mo. Maaarte, mga pikon, kunwari matitigas pero malalambot. Nakuha mo lang ang ugaling yan sa kanila, at mas malala pa sila sa iyo.

... there is always room for improvement and change is inevitable. Ngayon lang yan.

Comments

Popular posts from this blog

Yum-in-a-box

An Af-fur to Remember

Self-contempt at Its Peak